“TANYA”

Kizza
photo by: nation.co.ke

 by: Kizza Marru Samperoy

Inisang higop ko ang natitirang sabaw sa mangkok ko at deretsahang nilunok ang mapaklang likido ng batchoy nila Aling Mameng. Ilang linggo ko na ring pinagtitiyagaan ang lasa nito. Hindi ko na mawari kung kakayanin ko pang humigop ng ibang sabaw dahil kahit sa panaginip ay lasap-lasap ko parin ang katas ng lumang karne sa batchoy ng matandang dalaga.

Tamang-tama lamang ang pagkakatimpla, tamang-tamang alat at pakla ang pinagsama. Sobrang sarap, parang sumpa. Hindi malimot-limot ng aking dila ang kakaiba nitong lasa. Hindi ko alam kung paano kumikita si Aling Mameng sa napakapangit na negosyong ito. Siguro ay marami rin ang kagaya kong desperado na dumadayo pa mula sa kabilang bayan para masilayan ang ngiti ng nag-iisang pamangkin na babae ni Aling Mameng, si Tanya.

Unang kita ko pa lamang sa dalaga ay nakuha na niya ang lahat sa akin. Nahablot ng magandang binibini ang aking paningin, ang aking loob , ang aking puso isama na natin pati ang bituka at iba pang lamang-loob. Nagising ang diwa ko maging ang matagal ng nananahimik kong katawang lupa simula ng mahagip ng nangungusap kong mga mata ang tila anghel niyang mukha at mala-dyosa niyang pigura. Nang dahil sa kanya naglaho ang lahat ng aking pangarap, siya na lamang ang natitira. Binuksan niya ang aking isip sa ideyang may nakalaan na tao para sa akin at siya iyon. Pero kung iniisip niyong maganda lamang si Tanya, nagkakamali kayo. Matalino rin si Tanya, mabait, masipag, mapagmahal, maalaga. Para talaga siyang babaeng mapapangasawa ko. Pero marami akong kaagaw kay Tanya. Kahit na nakakasuka ang batchoy nina Aling Mameng ay pinagkakaguluhan parin ito upang mabigyan ng pagkakataon ang mga ordinaryong tagalupa na masilayan ang mahal ko. Ayaw kong ipagkait sa kawawang mundo ang magandang tanawing si Tanya kaya hindi ko sila sinasaway. Tuwang-tuwa naman si Aling Mameng sa patok na patok niyang negosyo.

“Tanya, pumasok ka na. May gagawin ka pa sa loob hindi ba?” sigaw ni Aling Mameng.

Ngiti lamang ang iginanti ng magandang dalaga at para naring nasulit ang perang nagasta ko sa makailang ulit na order ng mapaklang batchoy ni Aling Mameng. Nang pumasok na ang dalaga sa loob ay halos sabay-sabay rin namang nagsi-alisan ang mga customer ng matandang dalaga. Natawa na lamang ako. Hindi nga ako nagkakamali na si Tanya lamang ang ipinunta nila dito.

“Ano pang ginagawa mo dito Waldo? Nasa loob na si Tanya.” usal sa akin ni Aling Mameng.

“Tiy–”

“Tiya naman, bakit niyo pinapaalis si Waldo?”

Naantala ang sagot ko sa biglang pagsulpot ng aking mahal. Nakabihis na siya at suot-suot ang asul na uniporme.

“Nako Tanya, simula noong maging pulis ka kung sino-sino nang adik ang napapadpad dito sa lugar natin. Naku, mag-iingat ka.” sabat ni Aling Mameng.

“Kaya ko po ang sarili ko Aling Mameng, huwag na kayong mag-alala.”

Isa rin ito sa nagustuhan ko kay Tanya. Sa panahon ngayon, gusto na ng kalalakihan ang mga babaeng kayang ipagtanggol ang mga sarili nila. Oo nga at tungkulin ng kalalakihan na ipagtanggol ang kababaihan ngunit hindi sa lahat ng oras. Bago na ang panahon at gugustuhin kong makasama sa buhay ang klase ng babaeng pantay lamang ang tingin sa sarili at sa kalalakihan.

“Waldo, tapos na ba ang therapy mo sa rehab center?”

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s